MANILA, Philippines - Bagamat natalo sa kanilang exhibition match laban sa United Football League All-Stars noong Linggo sa University of Makati football field, kumpiyansa naman ang Philippine Azkals sa kanilang ipapakita laban sa Sri Lanka sa 2014 FIFA World Cup Qualifiers sa Hunyo 29 at Hulyo 3.
Ito ang mga inihayag nina team captain Aly Borromeo at co-captain Chieffy Caligdong.
“Even if it was just an exhibition match, we can only learn from the loss and look to get better,” ani Borromeo sa nasabing 3-4 pagyukod ng Azkals sa UFL All-Stars.
Ang nasabing pagkapahiya sa UFL All-Stars ay isa lamang sa mga kabiguan na naranasan ng Azkals, ayon kay Caligdong.
“It was just a friendly game. In life, we may experience failures, and disappointments but it makes us stronger,” sabi ni Caligdong, nagbida sa panalo ng Azkals sa Blue Wolves ng Mongolia sa AFC Challenge Cup noong Pebrero.
Ilang miyembro ng UFL All-Stars ang minamataan rin ni German head coach Michael Weiss upang idagdag sa Azkals.
Nakatakdang sagupain ng Azkals ang Red Braves ng Sri Lanka sa Hunyo 29 sa Colombo, Sri Lanka para sa kanilang ‘away match’, samantalang sa Hulyo 3 naman gagawin sa Rizal Memorial Football Stadium ang ‘home game’ ng kanilang serye.
Ang 2014 FIFA World Cup ay idaraos sa Brazil.
Kasalukuyang ranked No.156 ang Azkals ng listahan ng FIFA, habang No. 169 naman ang Sri Lanka. (RC)