Max! Bond vs NLEX sa D-League semis
MANILA, Philippines - Hindi ipinahiya ni Reil Cervantes ang kanyang koponan nang maipasok ang go-ahead basket upang mahawakan ng Max! Bond Super Glue ang 74-71 panalo laban sa Blackwater Elite sa pagtatapos ng PBA D-League Foundation Cup quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan.
Hiningi ni Cervantes kay coach Alfredo Jarencio ang pagtitiwala sa kanilang opensa sa puntong angat pa ng isa ang Elite at napagtagumpayan naman ng 6’5 player ang misyon nang maipasok ang 16-foot jumper sa huling 12.5 segundo.
“Lumapit sa akin si Reil at sinabi na siya raw ang kukuha ng last play. May kumpiyansa naman ako kaya sinabi ko na siya na ang dumiskarte,” wika ni Jarencio na naipasok ang koponan sa semifinals.
Tumapos si Cervantes taglay ang 21 puntos mula sa mainit na 8 of 11 shooting at pinawi niya ang pagkawala ng 12 puntos na hinawakan sa first half sa mahalagang buslo.
Makakalaban ng Sumos sa semifinals ngayon ang NLEX na dinurog ang FCA Cultivators, 100-71, sa unang laro.
Lumayo agad sa 12 puntos ang Road Warriors sa first period at mula rito ay hindi na tinigilan pa ang Cultivators para mapangatawanan ang pagiging paborito sa liga sa dominanteng paglalaro.
Ang Cebuana Lhuillier at PC Gilmore ang magtatagisan sa isa pang pares ng semifinals sa Huwebes at ang mananalo sa mga larong ito ang aabante sa best of three Finals series. (Angeline Tan)
Max! Bond Super Glue 74--Cervantes 21, Navarro 11, Lingganay 9, Teng 9, Hugnatan 9, Bautista 6, Camus 4, Canatu 2, Bustos 0, Fortuna 0, Benitez 0.
Blackwater 71 --Ciriacruz 14, Mazo 14, Celeda 12, Saret 12, Acidre 7, Ablaza 4, Belorio 4, Lapuz 4, del Rosario 4.
Quarterscores: 17-8; 37-33; 49-54; 74-71.
- Latest
- Trending