DALLAS--Nakabangon ang Miami Heat mula sa kanilang pagkulapso sa Game Two sa NBA Finals mula sa kanilang 88-86 pagkalusot sa Dallas Mavericks sa Game 3 upang kunin ang 2-1 lead at muling angkinin ang home-court advantage sa kanilang best-of-seven series.
Si Chris Bosh, nanamlay sa unang dalawang laro sa serye, ang pumukol ng game winning jumper sa huling 39.6 segundo para sa Miami.
Naimintis naman ni Dirk Nowitzki, humugot ng 15 sa kanyang team-leading 34 points sa final quarter, ang kanyang 18-footer sa pagtunog ng final buzzer para sa Dallas.
Nagtala si Dwyane Wade, hindi nakatanggap ng bola sa fourth quarter sa 93-95 home loss ng Heat sa Game Two, ng 29 points, 11 rebounds at 3 assists.
“I’ve been here before,” sabi ni Wade, tumipa ng 7 points sa final period. “My team mates said they wanted me to get the ball. Last game we kind of went away from getting me the ball down the stretch in spots where they have to double or I can get a shot off.”
“Tonight I tried to be aggressive. I didn’t shoot every time, I passed out to my team mates. This is a total win. We wanted to win the game on the defensive end of the floor and it came down to getting a stop on Nowitzki,” dagdag pa nito.
Ang tagumpay ng Heat ang nagpatahimik sa maingay na American Airlines Arena crowd na bumilang ng 19,200.
Halos lahat ay nakasuot ng arena-supplied blue shirt na may nakasulat na “The Time is Now.”
Kumana rin si Nowitzki ng 11 rebounds at tatlong blocks, kung saan siya ang pumuntos ng huling 12 puntos ng Mavericks, ngunit kinapos sa end-game.
Umiskor si LeBron James ng 17 points ngunit may 6-of-14 fieldgoal lamang at may 4 turnovers.
Ang Game 4 at 5 ay gagawin sa Dallas.