J-Pat naubusan sa F2 Futures
Manila, Philippines - Hindi naisakaturapan ni Jeson Patrombon na mahigitan ang naunang pinakamagandang pagtatapos sa men’s circuit nang matalo siya kay Kento Takeuchi ng Japan, 2-6, 1-6, sa second round ng F2 Futures sa Surabaya, Indonesia.
Ubos ang lakas ni Patrombon sa larong ito at hindi nahabol ang mga malalakas na return ni Takeuchi para matapos na ang kampanya sa torneo.
Bunga ng kabiguan, bigo si Patrombon na malampasan ang second round na naitala sa F5 Futures sa Chennai, India.
“Jeson lost today but I’m not at all disappointed in the way he played,” wika ni coach Manny Tecson.
Naramdaman umano ng 18-anyos na si Patrombon ang pagkapagod dahil dumaan pa siya ng dalawang laro sa qualifying round at naharap sa dalawang oras at 30 minutong tagisan kay Kirati Siributwong ng Thailand sa pagbubukas ng men’s singles.
Tiyak namang aani ng ATP puntos si Patrombon at inaasahang aakyat siya sa 1,200 sa pagkapasok sa main draw ng singles at doubles competition.
Sunod na torneo ng tubong Iligan City netter ay sa F3 Futures sa Jakarta sa susunod na linggo at sa kompetisyong ito ay seeded na siya sa main draw ng singles at doubles.
Kinuha nga ni Tecson si Fil-Am Dennis Lajola upang siyang makapareha ni Patrombon sa doubles. Si Lajola ay edad 22 at manlalaro ng University of Hawaii at kasalukuyan ay may ATP rankings na 978.
“Jeson will be in the main draw of both singles and doubles which is an advantage. I believe he will go far in Jakarta,” ani pa ni Tecson.
- Latest
- Trending