Semis kasado na sa gems, Wizards
MANILA, Philippines - Sumandal sa malakas na panimula ang PC Gilmore habang solidong endgame naman ang ginamit ng Cebuana Lhuillier upang ang mga koponan na dumiretso sa quarterfinals ay nakausad na rin sa semifinals ng PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Apat na manlalaro sa pangunguna ng 20 puntos ni Carlo Lastimosa ang kumamada sa Wizards tungo sa 92-77 panalo sa Pharex Bidang Generix habang ang Gems ay umukit naman ng 71-64 tagumpay sa Freego Jeans sa pagsisimula ng knockout quarterfinals.
May 17 puntos si Jam Cortez, 15 ang kay Allan Mangahas habang si Gilbert Acosta ay mayroong 14 puntos, lakip ang 3 for 3 sa three-point line at ang Wizards ay nagtala ng 58% shooting clip sa first half na kanilang kontrolado sa 53-35 iskor.
Kahanga-hanga ang larong ito ng Wizards dahil bukod sa napahinga sila ng mahigit na tatlong linggo, ang Generix ay pumasok sa laban mula sa kumbinsidong 96-66 pagdurog sa isa sa pre-season favorites Cobra Energy Drink.
“Mabuti at walang kalawang sa laro namin. Gusto talaga nilang makapasok sa semifinals at naniwala sila na kaya nilang maabot ito,” wika ni Wizards coach Richard Del Rosario.
Si JR Tecson ay mayroong 12 puntos para manguna sa apat na Generix na may doble pigura sa puntos ngunit karamihan sa mga naitalang ito ay nangyari nang nakalayo na ang kalaban upang mamaalam na sa torneo.
Napanatili ni Allein Maliksi ang mabangis na pagbuslo sa kanyang 25 puntos at 9 rebounds habang ang beterano pang si Narciso Llagas ay may double-double na 17 puntos at 10 rebounds upang igiya ang Gems sa Final Four.
Huling dikit ng Falcons ay sa 46-48 sa tres ni Alex Nuyles pero gumanti ng 9-0 bomba ang Gems para lumayo sa 11 puntos.
- Latest
- Trending