Patrombon kumakasa pa sa F2 Futures sa Indonesia
MANILA, Philippines - Binalikan ni Jeson Patrombon si Kirati Siributwong ng Thailand sa pamamagitan ng 6-2, 7-5, panalo sa pagsisimula ng hatawan sa men’s singles ng F2 Futures sa Surabaya, Indonesia.
Si Siributwong ay nakasama ni David Agung Susanto ng Indonesia na tinalo ang tambalan nina Patrombon at ang manlalarong tumalo kay Patrombon at Perakiat Siriluethaiwattana ng Thailand sa unang laro sa doubles competition na umabot sa super tie-break.
Ngunit nakilatis agad ni Patrombon ang husay ni Kirati at sa pagkakataong ito ay hindi na hinayaan pa na magawa ang nais sa loob ng court upang makaabante na sa second round.
“Jeson now has a good sense of what to expect in the men’s and he’s adapting positively,” wika ni coach Manny Tecson.
Tinapatan ng 18-anyos na si Patrombon at isa sa tatlong qualifier na buhay pa sa torneo, ang pagiging agresibo ni Kirati at sinabayan ang mga malalakas na balik sa bola upang magtala ng mga errors ang Thai netter na may 934 ATPO ranking.
“Our strategy was to go toe to toe with Kirati and not hold back on our shots to force him out of his hitting zone. Kirati is one of the top national men’s players of Thailand and it was a good win for Jeson,” dagdag pa ni Tecson.
Sunod na kalaban ng tubong Iligan City netter sa round of 16 ay si Kento Takeuchi ng Japan.
Narating ng 23-anyos at 838 ATP ranked player na si Takeuchi ang second round matapos manaig sa kababayan at fourth seed Yuichi Ito na nagretiro sa second set, 6-7 (8), 5-1.
Kung manalo uli si Patrombon na may 1,535 ranking sa ATP, mahihigitan niya ang pinakamagandang naabot sa tatlong Men’s Circuit na nilaruan na.
Natapatan ni Patrombon ang naabot nito sa F5 Futures sa Chennai, India nang makatapak din siya sa second round bago namaalam kay second seed Vishnu Vardhan. “Jeson is looking sharp and I believe we have a good chance against the Japanese opponent,” may kumpiyansa pang sinabi ni Tecson.
- Latest
- Trending