Alcala, Carlos magpapaluan sa quarters
MANILA, Philippines - Tinalo nina Bianca Carlos at Malvinne Alcala ang kanilang mga karibal para itakda ang kanilang quarterfinal showdown sa pagitan ng dalawang top two players ng bansa sa premier Open singles ng MVP Sports Foundation-Bingo Bonanza Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) tournament kahapon dito sa Pohang Badminton Courts sa Bacolod City.
BInigo ni Carlos, ang winningest player na may 3-0 rekord sa inaugural staging ng event noong Marso at nagkampeon sa Open at Under-19 class, si Bulacan’s Ana Fajardo, 21-6, 21-8, sa isang 15-minute job, habang pinayukod ni Alcala si UP Diliman’s Bianca Legaspi, 21-7, 21-13.
Pag-aagawan nina Carlos at Alcala ang isang semifinal berth sa second leg ng circuit na proyekto nina Vice President Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman-sportsman Manny Pangilinan at suportado ng official equipment sponsor Victor.
Makakasama nina Carlos at Alcala sa Last 8 sina second seed Gelita Castilo, binigo si Fatima Cruz, 21-9, 21-10; Reyne Calimlim, ginapi si No. 5 Ellaine Malelang, 21-7, 21-15; Pauline Ramos, hiniya si Pauline Tan, 22-20, 21-14; Cassandra Lim, sinibak si Kristine Cornista, 21-14, 21-7; Danica Bolos,iginupo si Annelyn Alba, 21-17, 21-17; at Paula Filart, sinorpresa si Pamela Lim, 21-16, 21-18.
Sa men’s Open singles, giniba ni veteran campaigner Lloyd Escoses si second seed Patrick Natividad, 21-19, 21-17, para sa kanilang quarters duel ni Kevin Dalisay, pinatalsik si Charlo Tenglo, 12-21, 21-16, 21-9.
Ginitla rin ni Andrei Babad si No. 5 Gabriel Villanueva, 21-13, 17-21, 21-19, upang harapin si top seed defending champion Antonino Gadi para sa silya sa Final Four ng torneong itinataguyod ng PLDT-Smart Foundation, Gatorade at Powersmash katuwang ang The Philippine STAR, TV5, Badminton Extreme Philippines Magazine, Jam 88.3, Wave 89.1, Magic 89.9, 99.5 RT and 103.5 WOW! bilang media partners.
- Latest
- Trending