Gulo sa PKF, tapos na nga ba?
Marahil ay maaari nang iwanan ni Go Teng Kok ang Philippine Karatedo Association (PKF).
Nagpaubaya na si Joey Romasanta at piniling huwag ng tumakbo para pagka-presidente upang matigil na ang gulo sa asosasyon at umaayos na ang operasyon nito.
Hindi pa nagpaparamdam si Go kung tatanggapin niya ang naging resulta ng eleksyon na ginanap sa Bacolod noong nakaraang linggo kung saan ang nahalal na pangulo ng asosasyon ay si Enrico Vasquez, isang beterinaryo.
Matatandaan na sinibak ng PKF board si GTK bilang presidente dahil bawal sa constitution and by-laws ng asosasyon na maupong president ng PKF ang isa ring presidente ng isa pang National Sports Association (NSA). Agad na nai-appoint ng board si Romasanta para kapalit ni GTK.
Nagalit at nagprotesta si GTK at sinabing illegal ang pagkakaalis sa kanya. Bunga nito nagpahayag ang POC na kinakailangan na magkakaroon ulit ng panibagong eleksyon, na siya ngang ginawa noong nakaraang Miyerkules sa Bacolod. Inaasahan sanang tatakbo si Romasanta, pero mas pinili nito ang kapakanan ng asosasyon kaysa puntiryahin araw-araw ni GTK.
Pero bago ang eleksyon sa Bacolod, nagbanta si GTK na makakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa Pasig Regional Trial Court para mapigilan si Joey Romasanta na tumakbo bilang presidente ng PKF.
Nawalan lahat ito ng saysay nang ipahayag ni Romasanta sa general assembly na hindi na siya tatakbo para na rin maayos ang asosasyon at makapagpokus na ang lahat sa mga kompetisyon na dapat sasalihan ng mga karatekas.
Bilang bagong presidente, sinabi ni Vasquez na marahil ay para sa kabutihan ng PKF ang lahat ng nangyari, bagama’t nalungkot sa naging desisyon ni Romasanta.
* * *
Gayunman, hindi pa rin natatapos ang isyu makaraang magdesisyon ang ilang top karatekas na suportahan si GTK. Ito ay sina Marna Pabilore, gold medal winner sa 2009 Laos Southeast Asian Games at silver medalist sa 2006 Doha Asia Games, Lutche Metante, 2003 Vietnam SEAG bronze medalist, Noel Espinosa, Ace Eso, Rolando Lagman, Jr., Irineo Toribio, Mike Dumayag, Erlando Metante, Jr., Joel Gonzaga, Gierby Lacorte, Ricardo Elinon, Renato Manalo at ang junior team na sina Sharief Afif, John Paul Morales, Narvin Bucol, at Raymund Mejico.
Ang huli nating balita ay may sanksyon ang PKF dahil sa hindi pagsali sa POC-PSC National Games sa Bacolod City noong nakaraang linggo. May mga balita na posibleng masuspindi ang mga ito at matanggalan ng allowances.
Kilala bilang supporters ni GTK ang naturang 14 na karatekas. Kung ano ang magiging sanksyon ng PKF ay dapat na ring bantayan.
- Latest
- Trending