Caloocan naisahan ang Mandaluyong
MANILA, Philippines - Naghatid ng isang free throw si Edward Obedosa sa huling 14 segundo bago sinaksihan ng Caloocan na sumablay si Rafael Rebugio upang maitakas ang 80-79 panalo laban sa Mandaluyong sa Inter-Zonal phase ng 2nd Coca-Cola Hoopla nitong Martes sa Ynares covered courts sa Barangay San Jose, Antipolo City.
Si assistant coach Brian Angeles ang siyang nag-coach sa koponan kahalili ni head coach Ben Ledesma at nahawakan pa ng Caloocan ang 63-49 kalamangan.
Ngunit bumangon ang Mandaluyong at itinabla pa ang iskor sa 79-all may 29 segundo sa orasan.
May sapat na oras pa ang Mandaluyong na makuha ang panalo pero naisablay ni Rebugio, na mayroong 23 puntos sa laro, ang mahalagang buslo.
Nagbunga naman ang pagtayo bilang punong-abala ng Antipolo nang talunin nila ang Taguig, 86-74.
May 20 puntos at 8 rebounds si Michael Dizon upang pangunahan ang apat na manlalarong umiskor ng doble-pigura sa Antipolo.
Ang Antipolo, Mandaluyong at Caloocan ay magkakasama sa ikalawang puwesto sa 1-1 karta habang bandera ang Quezon City ni Vice Mayor Joy Belmonte sa 1-0 karta at nangungulelat naman ang Taguig sa 0-1 baraha.
Dinumog ang double-header game na ikinatuwa ni Coca Cola Export VP for communication and public affairs JB Baylon.
- Latest
- Trending