MANILA, Philippines - Iinit pa ang tagisan sa PBA D-League Foundation Cup sa pagkikita ng apat sa walong palaban pang koponan sa pagratsada ng knockout quarterfinals ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tatangkain ng PC Gilmore at Cebuana Lhuillier na huwag masayang ang magandang ipinakita sa group classification laban sa Pharex at Freego Jeans na naipakita ang masidhing hangaring mapalaban sa titulo matapos patalsikin ang mga naunang itinuring na mabibigat na koponan.
Unang laro ay sa pagitan ng Bidang Generix at Wizards ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng Falcons at Gems dakong alas-4.
Parehong tumapos lamang sa 2-4 karta, ang Pharex at Freego Jeans ay umukit ng matinding panalo laban sa Cobra Energy Drink at Maynilad ayon sa pagkakasunod sa first round playoffs.
“Isang araw lamang ang panahong naibigay sa amin para mapaghandaan ang kalaban at ito ang challenge sa amin,” wika ni Pharex coach Gian Carlo Tan na humugot ng 96-66 demolisyon sa Ironmen nitong Martes.
Natalo ang Pharex sa Wizards, 99-97, sa pagtutuos sa group classification pero maging si PC Gilmore coach Richard Del Rosario ay tila nababahala lalo nga’t mahabang pahinga ang nangyari sa koponan.
“It’s going to be tough playing them coming off a win. I hope we come out aggressive and show no rustiness because of our long layoff between games,” wika ni Del Rosario.
Dinomina naman ng Gems ang Group B sa 5-1 karta pero hindi rin siya nakakatiyak sa Freego Jeans na naipanalo ang tatlo sa huling apat na laro kasama ang 88-81 tagumpay sa Maynilad noong nakaraang Huwebes.
“Freego has such composure that they just got off to a bad start. They won three of their last four games to show their readiness for the Playoffs,” wika ni coach Luigi Trillo.
Isa sa paghahandaan ng Gems ay ang pigilan ang mga kamador ng Falcons na sina Lester Alvarez, Jan Colina. Alex Nuyles at Eric Camson bukod sa pagpapanatili sa husay sa opensa ng mga scorers na sina Allein Maliksi at Kevin Alas.