J-Pat hahataw sa main draw ng F2 Futures
MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ni Jeson Patrombon na mailinya ang sarili sa mga maglalaro sa main draw ng men’s singles sa $10,000 F2 Futures na ginagawa sa Surabaya, Indonesia.
Hinigitan ng 18-anyos tubong Iligan City ang larong ipinakita nang talunin si Liang Wen Yao ng Chinese, Taipei, matapos kunin ang 6-0, 6-2, tagumpay kay Indonesian wild card bet Irfandi Hendrawan sa pagtatapos ng qualifying round.
Mas pulido ang larong ipinakita ni Patrombon para mapangatawanan ang pagiging third seed sa qualifying round na nilahukan ng 32 manlalaro at walo rito ay nakaabante sa main draw.
Sa pag-usad niya sa main draw sa singles ay nakatiyak din si Patrombon ng mahalagang puntos upang mapataas pa ang kasalukuyang 1535 world ranking sa men’s circuit.
Unang laro ng pambato pa rin ng Pilipinas sa juniors ay ang 24-anyos na si Kirati Siributwong ng Thailand.
Mas beterano si Siributwong dahil nasa ikapitong torneo na niya ito at ang pinakamagandang pagtapos na naabot ng Thai netter ay quarterfinals sa Thailand F1 Futures nitong Marso.
Pero kung malilimitahan ni Patrombon ang kanyang errors at mas magiging agresibo sa laro ay may posibilidad na makaisa siya sa laban.
Magkakaroon muna ng pagkakataon si Patrombon na makilatis ang laro ni Siributwong dahil makakaharap niya ito sa unang laro sa men’s doubles.
- Latest
- Trending