MANILA, Philippines - Kung siya ang tatanungin, dapat buksan na ng mga PBA board members ang usapin patungkol sa ‘adverti- sing lockout’ na ipinaiiral sa liga patungkol sa television coverage.
Ayon kay dating PBA chairman at representative ng Talk N’Text Ricky Vargas, napapanahon na para mapag-usapan ang pag-aalis sa lockout na ito upang kumita rin ang tv network na siyang magsasaere sa mga laro sa PBA.
“Whether it’s ABS-CBN, TV5 or whatever network, it should really be a partnership. Hindi kagaya ng nabayaran n’yo na kami, bahala na kayo diyan,” wika ni Vargas na kasapi sa kumpanyang pag-aari ni Manny V. Pangilinan na siyang tao sa likod din ng ABC TV5.
Hindi maaaring makapag-anunsyo ang mga kumpanyang kalaban ng PBA teams na nagpapahirap sa asam na kita ng network.
Ilan sa posibleng malalaking kumpanya na puwedeng pumasok para maglatag ng kanilang advertisements ay ang Asia Brewery, Tanduay, Swift at Globe Telecoms na kung papayagan ay tiyak ding magreresulta sa ikagaganda ng coverage sa PBA dahil may karagdagang pondong magagamit ang network para ilustay sa kanilang mga planong productions.
Dahil sa lockout kaya’t nalugi ang mga naunang networks na humawak sa PBA tulad ng Vintage Enterprises, Channel 4 at kahit ang Solar TV.
Ang pahayag ni Vargas ay hindi naman nangangahulugan na hindi tatakbo ang coveror gamit lamang ang mga produktong inilalako ng mga kasaping koponan.