Taguig may tiket na sa Inter Zonal

MANILA, Philippines - Bagong kampeon ang lalaban sa 2nd Coca Cola Hoopla NCR Championship nang masibak ang nag­dedepensang kampeon na Muntinlupa sa rubbermatch na ginanap sa Muntinlupa Sports Complex.

 Isang 20-4 bomba ang nagsantabi sa 54-61 iskor at nagtulak sa bisitang Taguig na maging kinatawan ng South Zone.

“Kontra pelo kami dahil dalawang beses kaming tinalo nila sa aming turf at dalawang beses naman namin silang tinalo sa kani­lang homecourt. Maganda ng inilaro nila at kanila talaga ang game na ito,” wika ni Muntinlupa coach Fred Levita na kinamayan agad ang kalabang coach Mixson Ramos may 12 se­gundo pa bago opisyal na natapos ang labanan.

Umusad ang koponan sa double round Inter-Zonal at ang unang laro nila ay laban sa Antipolo (West).

Ang Quezon City (East), Mandaluyong (Central) at Caloocan (North) ang ku­kum­pleto sa limang ko­ponang maglalaban-laban para madetermina kung sino ang hihiranging bagong NCR champion at maibulsa ang P250,000 gantimpala mula sa P500,000 nakataya.

Si Joshua Morris Mayor na gumawa ng 43 puntos nang natalo ang Taguig sa unang labanan ay may 27 puntos habang sina Efren Parado, Armin Santos at Maru Protuguez ay may 18, 14 at 10 puntos.

Ang mangungulelat sa limang kalahok sa Inter-Zonal ay mamamaalam na habang isang cross-over semifinals naman ang mangyayari at ang number one at two teams ang may twice-to-beat advantage.

Show comments