MANILA, Philippines - Bilang paghahanda sa kanilang 'home-and-away match' Sri Lanka Red Braves, magtutungo ang Philippine Azkals sa Germany sa kalagitnaan ng Hunyo.
Ito ang sinabi sa PSN Sports ni Philippine Football Federation (PFF) secretary-general Ramon Manuel kaugnay sa gagawing preparasyon ng Azkals sa kanilang two-leg series ng Red Braves para sa 2014 FIFA World Cup qualifiers.
"Nasa regular training sila ngayon. And then by the middle of June pupunta sila sa Germany para mag-training," wika ni Manuel.
Ang Red Braves ang mamamahala sa 'away match' nila ng Azkals sa Hunyo 29 sa Colombo, Sri Lanka, habang sa maalamat nang Rizal Memorial Stadium sa Vito Cruz magaganap ang 'home game' sa Hulyo 3.
Ang mananalo sa pagitan ng Azkals at Red Braves ang sasagupa sa Kuwait sa second round ng qualifying stage para sa 2014 World Cup qualifiers.
“Nandito sila until the middle of June. Nagte-training sila sa Rizal Memorial Stadium at sa Ayala, Alabang," wika ni Manuel sa aktibidad ng Azkals, No. 151 sa FIFA rankings kumpara sa Sri Lanka (173) at Kuwait (103).
Ang pinakamahal na tiket sa Rizal Memorial Stadium ay nagkakahalaga ng P3,000.00, samantalang ang economy ay P200.00. mid-section seats ay may presyong P300.00.