Petron Blaze inayawan si Harris, si Taylor na ang babandera
MANILA, Philippines - Nagbago ng isip ang Petron Blaze (dating San Miguel Beer) sa pagpaparada ng kanilang import para sa darating na 2011 PBA Governors Cup.
Si dating Los Angeles Clippers Michael Rene “Mike” Taylor ang hinugot ng Blaze imbes na ang kanilang orihinal na napiling si Ricky Harris.
Ang mas magandang kredensyal ni Taylor ang nagpabago sa desisyon ng Petron na palitan si Harris.
Ang 6-foot-2 na si Taylor, isang guard mula sa Iowa State, ay napili ng Portland Trail Blazers bilang 55th overall sa 2008 NBA Draft na naging pinakaunang player mula sa D-League na nahugot sa draft.
Ang tubong Chicago, Illinois ay dating naglaro sa D-League para sa Idaho Stampede nang kunin siya ng Blazers gamit ang draft rights mula sa isang trade deal sa Phoenix Suns at Indiana Pacers.
Nasikwat ng LA Clippers galing sa isa pang trade sa draft night, naglaro si Taylor sa Clippers sa 2008-09 NBA season at nagtala ng mga averages na 5.7 points, 2.1 assists at 1.7 rebounds sa 51 outings.
Si Taylor ay naging isang fan favorite sa LA dahil sa kanyang leaping ability at creative dunks. Naglista siya ng career-best 35 points laban sa New York Knicks sa Madison Square Garden noong Marso 25, 2009.
Samantala, inaprubahan na ni PBA Commissioner Chito Salud ang Joe Devance-JayR Reyes trade kung saan magbibigay pa ang Air21 ng future picks sa Alaska.
- Latest
- Trending