Iraq sumadsad sa Jordan
Manila, Philippines - Anim na puntos ang ibinuhos ni dating PBA import Jameel Watkins sa krusyal na 15-2 bomba upang makuha ng ASU-Jordan ang 74-66 panalo sa Duhok ng Iraq sa pagbubukas ng 2011 FIBA-Asia Champions Cup kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
May kabuuang 25 puntos at 17 rebounds si Jameel Watkins habang ang isa pang import ng Jordan na si Osama Daghles ay may 15 para pamunuan ang koponan na sinikwat ang unang panalo sa Group A.
Si Earl Gray ay mayroong 16 puntos para sa Duhok at ang kanyang lay-up ay nagbigay sa koponan ng 54-51 kalamangan may walong minuto sa orasan.
Ngunit hindi nila napigil ang pagratsada ng Jordan at may apat nga rin si Daghles sa mahalagang run na tuluyang nagbigay ng kalamangan sa kanilang koponan, 66-56.
“We’re still tired,” wika ni ASU-Jordan coach Fredrick Oniga na ang koponan ay dumating ng Manila nitong lamang Biyernes ng gabi.
“This is just the first game and I’m confident that they can get themselves going each game,” wika pa ni Oniga.
Maliban sa pagkulapso sa depensa, ininda rin ng Iraqi ang masamang paglalaro ng dating Smart Gilas import CJ Giles na naghatid lamang ng anim na puntos at pitong rebounds.
Ang Jordan ang siyang sinasabing karibal ng Pilipinas sa hangaring mapangunahan ang kanilang grupo upang magkaroon ng mas magaan na kalaban kapag sumapit na ang knockout quarterfinals.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyangnakikipaglaban ang Smart Gilas sa Saudi Arabia.
- Latest
- Trending