Manila, Philippines - Bigyan ng magandang simula ang kampanya sa 22nd FIBA Asia Champions Cup ang pakay ng Smart-Gilas Pilipinas sa pagharap sa Al Ittihad ng Saudi Arabia ngayon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ikatlong laro sa quadruple-header na magsisimula ganap na ika-6 ng gabi ang nasabing laro at kung malusutan ng Gilas ang Al Ittihad ay maagang makakasalo ang koponan sa liderato sa Group A.
Ang Iraq at Jordan na kasama ng Pilipinas sa grupo ang unang maglalaban ganap na alas-2 ng hapon at susundan ito ng bakbakan ng Syria at Iran sa Group A dakong alas-4.
Huling laban dakong alas-8 ng gabi ay sa pagitan ng UAE at Lebanon.
Sampung koponan na hinati sa dalawang grupo ang kasali sa torneo at ang mangungunang apat na koponan matapos ang single round group elimination ang aabante sa knockout round.
Pangungunahan ni naturalized player 6’10” Marcus Douthit, ang Gilas na pinalakas sa pagpasok nina Asi Taulava at Dondon Hontiveros ay nanalo sa Saudi team sa tune-up kamakalawa gamit ang 36-point winning margin.
“Tune-up games are different from real games,” wika agad ni Gilas Serbian coach Rajko Toroman.
Tinuran nga nito na hindi pa marahil todo ang paglalaro ng nasabing koponan na kinuha sina Serbian Valdislav Dragajlovic at Darren Keely bilang kanilang mga imports.
Aasa si Toroman sa matibay na depensa ng koponan bukod pa sa mga kamay ng mga inaasahan tulad nina Douthit, Hontiveros, Chris Tiu at JV Casio.
Sunod na laro ng Gilas ay ang KL Dragons ng Malaysia sa Linggo bago magpapahinga sa Lunes.
Kailangang malagay sa unang puwesto ang Pilipinas sa kanilang grupo para makatapat sa knockout quarterfinals ang papang-apat na koponan sa Group B na binubuo ng matitikas na two-time defending champion Iran, Lebanon, Qatar, Syria at UAE.