BACOLOD CITY, Philippines --Nagbunga ang ginawang pagsasakripisyo ni Olympian Hidilyn Diaz nang bumuhat ng anim na bagong national record para sa kanyang dalawang gintong medalya sa women’s weightlifting competition ng 2011 Philippine National Games.
Nagsumite ang 20-anyos na si Diaz ng mga bagong buhat na 95-kilogram sa snatch at 120kg sa clean and jerk para sa kabuuang 215kg sa open 58kg division na sumira sa kanyang 94-115-209 na kanyang itinala sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China.
Bumuhat ang 2008 Olympic Games campaigner ng 95kg sa snatch at 120kg sa clean and jerk para sa kabuuang 215kg sa juniors 58kg class na bumasag sa kanyang 88-111-196kg noong 2010 Asiad.
Bukod sa anim na bagong record ni Diaz, apat naman ang iginuhit ng 17-anyos na si Maybelyn Pablo sa open 75kg. sa kanyang 76kg sa snatch na sumira sa dating 72.5kg at 76-98-174kg sa juniors 75kg. na bumura sa lumang 70-85-115kg.
Tatlong bagong marka ang 75-85-160kg ang ipinoste ni Lea Ruth Llena sa secondary 63kg na sumira sa dating 50-67-117kg., habang mga bagong 85kg sa snatch at kabuuang 185kg naman ang itinala ng kanyang nakatatandang kapatid na si Patricia sa secondary 89kg event.
Sa taekwondo sa Negros Occidental Multi-Purpose Activity Center, kumuha ng ginto sa kani-kanilang events sina Ferdinand Delizo ng Baguio (men’s bantamweight), Billy Joe Soria ng Baguio men’s (finweight), Samuel Thomas Morrison ng NCR (men’s lightweight), Jyra Marie Lizardo ng NCR (women’s bantamweight) at Leigh Anne Buguid ng NCR (women’s finweight).
Ipinakita naman ni John Baylon, hangad ang kanyang pang 10 sunod na gold medal sa 26th Southeast Asian Games sa Nobyembre, ang kanyang eksperyensa nang sikwatin ang ginto sa men’s -81kg. class sa judo sa Riverside College.
Tinalo ng 46-anyos na si Baylon si Jayson Senales sa final round.
Samantala, limang karatekas ang masasampolan ng ipinapatupad na patakaran ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa paglahok ng mga national athletes sa kasalukuyang 2011 Philippine National Games dito.
Dahil sa hindi pagsali sa 2011 PNG, nagdesisyon si PSC chairman Richie Garcia na alisin na sa kanilang payroll simula sa Hunyo sina Sharif Afif, Jan Paul Morales, Raymund Mejico, Renato Manalo at Marna Pabillore.
“Effective at the end of this month their allowances will be remove and they will also be ordered to vacate their dormitories,” galit na wika kahapon ni Garcia sa nasabing limang karatekas.