Marquez kukuha ng doktor sa paghahanda kay Pacquiao
Manila, Philippines - Kukuha ng doktor si Juan Manuel Marquez upang mapagtibay ang paghahanda nito sa ikatlong pagtutuos nila ni Manny Pacquiao sa Nobyembre 12.
Itataya ni Pacquiao ang hawak na WBO welterweight title at dahil hindi naman bihasa si Marquez na lumaban sa 147 pound division kaya’t sa catchweight na 144 pounds ito gagawin.
Ang pinakamabigat na timbang na pinasok ng 37-anyos na si Marquez ay 142-pounds nang kinaharap si Floyd Mayweather Jr. at lumasap siya ng unanimous decision na kabiguan.
Matapos nito ay bumaba uli ng timbang si Marquez at bago ang alok ng Top Rank ay sumabak sa dalawang laban sa 135 pound division kontra kina Juan Diaz at Michael Katsidis.
Pareho niyang tinalo ang dalawa para tanghaling kampeon ng WBA at WBO lightweight division.
Hindi man tinuran, isang nutritionist kagaya marahil ni Alex Ariza na tumutulong kay Pacquiao, ang hahanapin ng kampo ni Marquez upang matiyak na mananatili ang bilis nito kahit bumigat ang timbang.
“Matching Pacquiao’s speed and rhythm are the key to victory,” wika nga ni Marquez.
“I will come in at a higher weight than normal but I will have doctors monitoring my progress. The doctors will help me maintain my speed,” dagdag pa ng boksingerong may 52 panalo sa 58 laban kasama ang 38 KO.
Nais ni Marquez na makabawi sa Pambansang kamao dahil hindi pa siya nakakaporma sa dalawang naunang pagtutuos.
Nauwi sa tabla ang unang laban noong 2004 at natalo naman siya sa pamamagitan ng split decision sa ikalawang sagupaan noong 2008.
- Latest
- Trending