MANILA, Philippines - Hanggang Biyernes binibigyan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang Barako Bull upang magdesisyon kung sasali ba o hindi sa third conference o Governors Cup.
Sa pagpupulong ng PBA board na nangyari sa Boracay noong Sabado, nagpasabi ang Barako Bull governor Manny Mendoza na may balak ang koponan na bumalik matapos lumiban sa katatapos na second conference na tinaguriang Commissioner’s Cup.
“The option to return has always been there,” wika ni Mendoza kaya’t hindi pa mailabas-labas ng pamunuan ang opisyal na format at iskedul para sa huling PBA conference.
Sinasabing ang planong pagbabalik ng Barako Bull ay may koneksyon sa drafting order ng koponan para sa papasok na PBA season.
Hawak ng koponan ang first pick sa draft order matapos ang first conference dahil nangulelat sila. Pero dahil hindi sumali sa Commissioner’s Cup wala silang nakuhang draft points at inaasahang malalaglag ito sa mas mababang puwesto.
Samantala, ibinalik naman ng Powerade si John Williamson bilang kanilang import sa Governor’s Cup.
May anim na laro si Williamson sa Tigers sa 2010 Fiesta Conference at naghatid ito ng 25.7 puntos, 10.1 reboounds at 3.2 assists.
Si Tasmin Olajuwon Mitchell sana ang balak dalhin ng Powerade pero lampas ito sa 6’6 height limit na ipaiiral sa liga. Ang dating walk-in import ng Air21 na si Jason Forte naman ang babalikat sa Alaska Milk.
“We love his energy and character and we think he’ll be a good fit. We like the fact that he knows the league,” wika ni Alaska coach Tim Cone kay Forte na nagbigay ng 26 puntos, 16.5 rebounds at 3 assists.