OKLAHOMA CITY - Umiskor si Dirk Nowitzki ng 40 points, habang isinalpak ni Jason Kidd ang isang go-ahead 3-pointer sa huling 40 segundo sa overtime para igiya ang Dallas Mavericks sa pagbangon mula sa isang 15-point deficit at talunin ang Oklahoma City Thunder, 112-105, sa Game 4 ng kanilang Western Conference Finals.
Inangkin ng Mavericks ang 3-1 lamang sa kanilang serye ng Thunder.
Nakabalik ang Dallas buhat sa 84-99 pagkakabaon sa huling limang minuto ng fourth quarter patungo sa paggupo sa Oklahoma City.
Naimintis ni Kevin Durant ang isang 3-pointer sa opening possession ng Thunder sa overtime. Tumapos siya na may 29 points at 15 rebounds kasunod ang 18 points at 10 boards ni Serge Ibaka.
Nagdagdag si Russell Westbrook ng 19 points, 8 rebounds at 8 assists.
Nakatakda ang Game 5 sa Miyerkules.
Ibinigay ng Mavericks sa Thunder ang unang back-to-back losses nito sa postseason matapos naman ang anim na buwan.
Dalawang koponan pa lamang ang nakakabangon mula sa isang 1-3 deficit sa NBA history at wala ang ‘home-court advantage’ sa Game 7. Ito ay ang Houston sa 1995 West semifinals at Boston sa 1968 East Finals.