BACOLOD CITY, Philippines - Dominante.
Ito ang ipinakita ni Fil-American Jean Nathan Monteclaro matapos humakot ng pitong gintong medalya sa gymnastics competitions sa 2011 Philippine National Games dito sa San Agustin Gymnasium.
Bagamat hindi nakapaglaro ang kakambal na si Christian dahil sa isang right ankle injury, hinablot naman ni Jean ang mga gold medal sa men’s floor exercise, pommel horse, vault, p-bars, rings at all-around events.
Kumolekta naman ng limang gintong medalya ang nagbabalik na si Anna Cruz sa women’s vault, uneven bar, balance beam, floor exercise at all-around events.
Tatlong gold medal ang inangkin ni Carlos Yulo sa boys’ floor exercise, p-bars at rings, habang dalawa ang sinikwat ni Anthony Ombac sa boys’ p-bars at vault.
Sa athletics sa Panaad Track Oval, nagtakbo ng gintong medalya ang mga national mainstays na sina Arniel Ferrera at Rene Herrera sa kani-kanilang events, habang nagdomina ang 17-anyos na si Maika de Oro sa girls’ division sa ikalawang pagkakataon.
Nagsumite ang 32-anyos na si Ferrera, isang five-time Southeast Asian Games gold medal winner, ng distansyang 57.55 metro upang angkinin ang gintong medalya sa men’s hammer throw kasunod sina Karl Christian Francisco (45.93) ng UAAP Athletics at Jerro Perater (39.86) ng Air Force.
Tansong medalya ang nakuha ni Ferrera sa shot put mula sa kanyang hagis na 12.23m sa ilalim ng 15.57m ni gold medalist Eliezer Sunang ng Laguna at 12.84m ni Nixon Mas ng Air Force.
Itinakbo naman ng Navyman na si Herrera, isang four-time SEA Games gold medalists, ang ginto sa 3,000m steeplechase sa tiyempong 9:06.02 para ungusan sina Christopher Ulboc (9:18.22) ng Laguna at Hernani Sore (9:24.03) ng Baguio City.
Ang iba pang nagbulsa ng ginto sa men’s class sina Rayzam Shah Wah Sofian ng Kota Kinabalu Team sa 110m hurdles (14.1), Julius Nierras sa 400m dash (48.56) at Nino Espinosa ng Laguna sa long jump (7.21m).
Muli na namang gumawa ng eksena ang tubong Barangay Mansilingan, Bacolod City na si Maika de Oro nang singilin ang kanyang ikalawang ginto sa girls’ shot put sa ibinatong 10.18m.