Team Bulwaks iginiya ni Miller sa korona
MANILA, Philippines - Iginiya ni Willie Miller ang Team Bulwaks para sa Creality Race Adventure 2011 title ilang oras bago magpasikat ang Barangay Ginebra star sa main game ng PBA All-Star extravaganza sa Boracay Island.
Nakipagtambalan si Miller kina Rain or Shine’s Ronjay Buenafe, Powerade’s Francis Allera at team managers Joaqui Trillo ng Alaska at Powerade’s Gerard Francisco sa pagbandera ng Team Bulwaks sa adventure race sa bilis na 15 minuto at 10 segundo.
Ang karera, inihandog ng Puma Time at L Time Studio, ang naging unang itinampok bago ang All-Star Game kung saan nagbida sina Miller, Arwind Santos at MVP Marc Pingris sa 133-129 paggupo ng North sa South.
“It was a lot of fun. It was a great way to interact with the people. We were approaching strangers and there were so many people watching. It was good for the PBA as a whole,” ani Trillo.
Pumangalawa naman ang Borateam nina three-point shootout champion Mark Macapagal ng Powerade, Petron’s Sunday Salvacion at Rey Guevarra, Ginebra’s John Wilson at San Miguel’s basketball operations chief Robert Non sa kanilang oras na 17:02.
“This is just a teaser of the races that we’ll stage in different provinces this year,” ani Judith Staples, ang Puma Time sales and marketing head.
Pumangatlo ang Team Bahagya nina Alaska star LA Tenorio, Jervy Cruz ng Rain or Shine, PBA chairman Rene Pardo, Powerade alternate governor Kenneth Duremdes at PBA liaison officer Botong Chavez sa tiyempong 20:03 minutes.
Ang media group, kinatawan nina Team Balugbog’s June Navarro ng Inquirer, Philippine Star’s Nelson Beltran, Manila Bulletin’s Waylon Galvez, Abante Tonite’s Zaldy Perez at Abante’s Vladimir Eduarte, ay pumangapat sa oras na 29:41 minutes.
- Latest
- Trending