3 beterano nanalasa agad ng ginto sa athletics
BACOLOD CITY- Philippines -Tatlong national team mainstay at isang 17-anyos na pambato ng Bacolod City ang tumubog ng gintong medalya sa unang araw ng inaabangang athletics competition.
Namayani sa kani-kanilang events ang mga beteranong sina Jho-Ann Banayag , Rosie Villarito at Narcisa Atienza at ang graduating high school student na si Maika de Oro sa Philippine National Games 2011 dito sa Panaad Track Oval kahapon.
Kinuha ni Banayag, ang two-time Milo National Finals queen, ang gold medal sa women’s 10,000-meter run sa tiyempong 37:44.30 para talunin sina Aileen Tolentino (40:59.00) at Cerila Cortel (41:42.90).
“Gusto ko talagang manatili sa national team, kaya maganda ang itinakbo ko,” sabi ng 28-anyos na si Banayag, inalis ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) sa national pool bago ang 2010 Asian Games sa Guanzghou, China.
Ang pagtatanggal ng PATAFA kay Banayag ay dahil sa kanyang paglahok sa 2010 Camarines Sur International Marathon na kanyang pinagreynahan.
Nagtala si Villarito, ang 2009 SEA Games javelin throw gold medal winner at pambato ng Bago City, ng hagis na 11.26m para sikwatin ang gintong medalya sa women’s shot put at talunin sina Monalisa Mendez (10.23m) at Hanna Erika Sia (9.65m).
Nagrehistro naman si Atienza ng 1.75m para dominahin ang women’s high jump na malayo sa kanyang national mark na 1.81m.
Ang 17-anyos na si de Oro ay naghagis ng 37.36m sa girls’ discuss throw event para sa gold medal.
Kabuuang 24 gintong medalya ang nakalatag ngayong araw na tinatampukan ng mga labanan sa men’s at women’s 100m, 200m , 800m, 400m hurdles run at women’s long jump na magpapakita kay Asian Games at SEA Games long jump gold medalist Marestella Torres.
Sa dragon boat event sa Bantayan Park sa Bago River, dalawa sa limang final events na ang ibinulsa ng national team sa sports event na inihahandog ng Smart, Procter and Gamble, Scratch It, Go for Gold, Summit Water, Super Ferry and Negros Navigation at suportado ng Negros Occidental provincial government, Gatorade, Standard Insurance, Inc. Zest Air, Bodivance at Accel.
Inangkin ng national squad ang gintong medalya sa 10-men crew 500m sa kanilang tiyempong 2:28.17 kasunod ang Philippine Navy (2:30.72) at Boracay Guardians (2:31.63), habang nagtala naman ang national team ng bilis na 2:42.43 sa women’s 10-crew sa itaas ng Boracay Guardians (3:06.89) at PDRT (3:21.17).
- Latest
- Trending