Magkakaalaman ngayon sa pagbabalik ng D-League
MANILA, Philippines - Isang laro ay magdedetermina sa kung sino ang aabante sa quarterfinals habang ang isa ay magsasabi kung sino ang maagang mamamahinga sa PBA D-League.
Aksyon sa Group B ang matutunghayan sa pagbabalik ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa San Juan Gym at unang sasalang ang Cebuana Lhuillier at Cobra Energy Drink sa ganap na alas-2 ng hapon na susundan ng bakbakan ng Café France at Junior Powerade dakong alas-4.
Pasok na sa Playoff ang Gems at Ironmen dala ng magkatulad na 4-1 karta pero paglalabanan nila ang mahalagang awtomatikong puwesto sa quarterfinals.
Ang mangungunang dalawang koponan sa magkabilang grupo ang kukuha sa insentibo at ang Gems ay selyado na ang isang puwesto sa Group B.
Ang matatalo sa unang sultada ay babagsak upang saluhan sa ikalawang puwesto ang Max Bond Super Glue (4-2).
Pero nanalo ang Gems sa Sumos sa kanilang tagisan sa classification round, 73-58, upang makatiyak na aabante pa rin kung matalo sa Ironmen.
Ngunit kung ang bataan ni coach Lawrence Chongson ang malalaglag, ang Sumos ang aabante dahil sa 77-75 panalo na kinuha noong Abril 14.
Sina Allein Maliksi, Marvin Hayes at Kevin Alas naman ang mamumuno sa Gems na hindi makakasama ang coach na si Luigi Trillo at power forward Ariel Mepana dahil sa one game suspension matapos madawit sa gulo sa huling laro laban sa Max Bond.
Nakataya naman sa main game ang karapatang manatiling buhay sa hangaring titulo ng 13- koponang liga.
Tinapos ng Tigers at Scorpions ang classification round sa 1-5 karta kaya’t ang mananalo sa sagupaan ang siyang makakasama kukumpleto sa anim na koponang aabante sa Playoffs.
- Latest
- Trending