MANILA, Philippines - Umabante na ang Antipolo at Mandaluyong sa Inter-Zonal phase sa 2nd Coca Cola Hoopla NCR Championship nang manalo sa mga nakalaban sa North Zone nitong Sabado.
Kumulekta ng 30 puntos si Michael Dizon habang 14 naman ang ibinigay ni Paul Baliton para sa Antipolo na nalusutan ang Taytay, 79-75 sa West Zone playoff.
May tig-20 puntos naman ang ginawa nina Glenmark Cerbito at Rafael Rebugio para pangunahan ang Mandaluyong sa 76-72 tagumpay sa San Juan .
Dahil sa mga tagumpay na ito, ang Antipolo at Mandaluyong ay sumalo sa Quezon City na suportado ni Vice Mayor Joy Belmonte, sa double round Inter Zonal na magdedetermina sa 2011 NCR champion at magbibitbit pa ng P250,000 unang gantimpala sa kabuuang P500,000 premyo.
Nangailangan naman ng isa pang laro upang madetermina ang kinatawan ng North Zone nang matalo ang Caloocan sa Valenzuela, 77-66.
Balanseng pag-atake ang ginawa ng Caloocan nang humugot ang koponan ng 12 kay Gelin delos Santos at 11 pa kay Cesar Miranda para mangailangan ng sudden-death match na ginanap naman kahapon.
Nanalo naman ang nagdedepensang kampeon na Muntinlupa sa Las Pinas, 90-70 sa South Zone nang makaiskor ng 21 puntos si Christian Paguinto habang ang Taguig ay nanalo rin sa Pasay, 71-45, sa isa pang laro.