Airtime na lang ang problema sa Pacquiao-Marquez fight

MANILA, Philippines - Ang grupong maghaha­tid ng pangatlong banggaan nina Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at Mexican world lightweight titlist Juan Manuel Marquez ang hindi pa napaplantsa ni Top Rank Promotions chairman Bob Arum.

Ang dalawang pinagpipilian ni Arum para sa pagsasaere ng Pacquiao-Marquez fight sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada ay ang Showtime/CBS at HBO.

Ang Showtime, nakatuwang ang CBS network sa promosyon at pagpapa­labas ng isang television special, ang nagsaere ng nakaraang laban ni Pacquiao kay Sugar Shane Mosley sa MGM Grand sa Las Vegas.

Ayon kay Arum, ang ma­gandang promosyon ang gagawin niyang basehan sa pagpili sa grupong magdadala sa Pacquiao-Marquez trilogy.

“Here’s what I can say. Whoever offers the best and the most assets to us in publicizing and promo­ting the fight, my feeling is that we will go with them,” sabi ni Arum sa Showtime at HBO.

Ang HBO ang dati nang humahawak sa mga nakaraang laban ng Sarangani Congressman.

Ang naturang Pac­quiao-Mosley fight ay nakapaghatid sa Top Rank ng 1.3 hanggang 1.4 milyon na pay-per-view purchases na siyang naging pinakamalaking pay-per-view rate sa Sarangani Congressman sa kanyang boxing career.

Matagumpay na naidepensa ng 32-anyos na si Pacquiao ang kanyang WBO weltertweight crown kontra sa 39-anyos na si Mosley.

Show comments