Pasay, Taguig asam ang Zone berth
Manila, Philippines - Iinit pa ang tagisan sa unang puwesto sa South Zone sa pagharap sa mga mahahalagang laro ng Pasay at Taguig sa pagpapatuloy ngayon ng 2nd Coca Cola Hoopla NCR Championship.
Kalaban ng Pasay (4-1) ang nagdedepensang Muntinlupa (4-2) sa ganap na alas-4 ng hapon sa Pasay Sports Complex habang ang Taguig (3-2) ay makikipagbunuan sa Parañaque (0-6) alas-6 sa Duenas Gym, Taguig.
Umiskor ng 20 puntos sina Gio Ramos at Kenneth de Vega nang kunin ng Pasay ang 90-73 panalo sa Muntinlupa sa unang tagisan habang dinurog din ng Taguig ang Parañaque, 87-66, sa naunang pagtutuos.
Tanging ang Quezon City (East) lamang ang nakatiyak nang puwesto sa limang koponang double round Inter-Zonal na siyang magdedetermina kung sino ang hihiranging kampeon ng 2011 at maibulsa ang P20,000 premyo.
Ang iba pang pinapaboran na uusad sa susunod na yugto ng kompetisyon ay Antipolo (West), Caloocan (North) at Mandaluyong (Central) ay nakikipagtagisan pa habang isinusulat ang balitang ito.
May twice to beat ang nasabing mga koponan sa mga nakalabang Taytay (West), Valenzuela (North) at San Juan (Central) para sa puwesto sa Inter-Zonal.
Ang aksyon sa Inter-Zonal ay magsisimula sa Mayo 29.
- Latest
- Trending