MANILA, Philippines- Kung sa buwang ito matatapos ang aksyon sa bilyar sa 2011, tiyak na malaking pagdiriwang ang gagawin ni Dennis Orcollo.
Mabungang paglalaro sa idinaos na World 10-Ball Championships sa bansa kamakailan ang nagluklok kay Orcollo hindi lamang bilang number one pool player kundi number one din sa talaan ng palakihan ng kinita sa taon.
Kumulekta si Orcollo ng 500 puntos nang marating ang quarterfinals sa WTBC na pinagharian ni Huidji See ng Netherlands upang maiangat ang kabuuang puntos sa 1,910.
Apat na torneong binasbasan ng World Pool Associaton (WPA) na idinaos sa taong ito ang nilahukan na ni Orcollo at tampok niyang laro ay sa World 8-Ball sa Doha Qatar na kanyang pinagharian tungo sa 900 puntos.
Nalaglag sa ikalawang puwesto ang dating number one na si Antonio Lining sa kanyang 1,805 puntos matapos magkaroon lamang ng 80 puntos nang maaga itong mamaalam sa WBTC.
Ang Chinese Taipei na si Chang Jun Lin ang nasa ikatlong puwesto sa 1497 habang ang kampeon ng WBTC na si See na kumubra ng 1000 puntos ang nasa ikaapat na puwesto na sa kabuuang 1497 puntos.
Isa pang Chinese Taipei na si Kuo Po Cheng ang nasa ikalimang puwesto sa 1472 habang ang mga Filipino cue artist na sina Lee Van Corteza, Ronato Alcano at 2010 number one player Francisco Bustamante ang nasa ikaanim hanggang ikawalong puwesto sa 1,446, 1,443 at 1,432 puntos.
Kukumpletuhin nina Jason Klatt (1348) at Nick Van den Berg (1335) ang kukumpleto sa unang sampung puwesto.
Bukod naman sa pagsungkit sa WPA number one puwesto ay namamayagpag din si Orcollo sa palakihan na ng kinita matapos kumabig na ng $63,040.
Matapos ang 10 torneo maliban pa ang WBTC nalikom ni Orcollo ang nasabing premyo na kinatampukan ng $40,000 gantimpala sa Doha at $16,000 premyo sa pangunguna sa Derby City Classic 9-ball Division.
Pangalawa si Shane Van Boening sa $53,250 habang si Ralf Souquet ang nasa ikatlong puwesto sa $52,462. Si Chang Jun Lin ang nasa ikaapat sa $45,500 habang nasa ikalima si Niels Feijen sa $37,686.
SI Alex Pagulayan ang ikalawang Pinoy na nasa top ten sa talaan nang kunin ang ikaanim na puwesto sa $36,460 habang sina Thorsten Hohmann ($33,900), Darren Appleton ($30,350), Van Den Berg ($26,457) at Mika Immonen ($25,350) ang kukumpleto sa top ten.