Reyes Matikas pa rin
MANILA, Philippines- Nanatiling nasa winners’ group si Efren “Bata” Reyes nang talunin si Raj Hundal ng Great Britain sa pagpapatuloy ng 2011 US Open 10-Ball Championship sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ang panalo ni Bata ay ikatlong sunod matapos mag-bye sa unang round at naipaghiganti rin ng tinaguriang “The Magician” ang pagkatalong nalasap ni Alex “The Lion” Pagulayan sa kamay ni Hundal sa ikatlong round.
Dahil sa tagumpay ay pumasok na si Reyes sa quarterfinals ng kanyang grupo at sunod na kakaharapin si Johnathan Pinegar na inilaglag sa loser’s bracket si Jeremy Sossei.
Ang iba pang nasa Last 8 sa winner’s group at magtatapat para sa Last 4 ay sina Scott Frost at Charlie Williams, Shane Van Boening at Dennis Haar at Corey Deuel at Ralf Souquet.
Si Pagulayan ay nananatiling buhay sa kompetisyong pinagharian ni Filipino pool player Lee Van Corteza noong 2010.
Kumulekta na nga ng dalawang panalo si Pagulayan sa one-loss bracket nang talunin sina Matt Krah at Jesse Engel. Sunod niyang kalaban ay si Corey Harper na nalaglag nang natalo kay Haar.
Talsik naman na sina Jose “Amang” Parica at Jun Almoite nang lasapin ang ikalawang kabiguan sa double elimination format tournament nang matalo kina James Baraks at Jesse Engel.
Ang iba pang bigatin sa pool na namaalam na rin ay sina Thorsten Hohmann, Earl Strickland, Rodney Morris, Jeremy Jones at Mika Immonen.
- Latest
- Trending