POC naghahanap ng kapalit ni Loyzaga
Manila, Philippines - Naghahanap ngayon ang Philippine Olympic Committee (POC) sa magiging kahalili ng naunang itinalaga bilang Chief of Mission at kasalukuyang Philippine Sports Commission (PSC) commissioner na si Chito Loyzaga.
Ayon kay POC president Jose Cojuangco Jr., napag-usapan na ng mga opisyal ng samahan na maghanap ng makakapalit ni Loyzaga matapos itong maitalaga bilang executive director ng PSC kahalili ng nagbitiw na si Dina Bernardo.
“Para huwag mahirapan si Commissioner Loyzaga, hahanap ng isa pang CDM para may kakatulong si Dr. Sim (Chi Tat). Dalawang venue ang gagawin sa SEA Games kaya’t kailangan ang dalawang CDM,” wika ni Cojuangco.
Si Loyzaga ang naunang inilagay pero tinanggap nito ang pagkakanombra sa kanya bilang ED ng PSC na siyang mangangasiwa sa pang-araw-araw na pagtakbo ng Komisyon.
Sa ngayon ay may napupusuan na si Cojuangco para sa puwesto pero ayaw niya pang pangalanan nito.
Criteria sa uupo ay kailangang may oras siya na ibibigay sa puwesto dahil kailangang mula ngayon hanggang matapos ang SEA Games ay mahaharap niya ang mga responsibilidad na pag-aasikaso sa mga atleta.
- Latest
- Trending