Reyes pasok sa last 16
Manila, Philippines - Humataw agad ang Filipino pool ace na si Efren “Bata” Reyes nang manalo ito sa kanyang dalawang laro sa idinadaos na 2011 US Open 10-ball championship sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Sariwa sa pagkapanalo sa US Open One Pocket tournament noong nakaraang linggo para sa kanyang kauna-unahang titulo sa taon, nangibabaw si Reyes kay Sal Butera ng US, 8-6, kahapon sa third round ng torneo.
Nag-bye sa first round, ang tinaguriang “The Magician” sa mundo ng bilyar ay kinalos si Dennis Hatch ng US sa second round matapos mag-bye sa unang round.
Makakalaban niya sa Last 16 si Raj Hundal ng Great Britain na dinomina ang kababayan at kasama sa Puyat Stable na si Alex “The Lion” Pagulayan, 8-4, sa isa pang laro sa third round.
Bago natalo ay naunang nangibabaw si Pagulayan sa kababayang si Jose “Amang” Parica at Manuel Herrera ng US.
Bunga ng kabiguang ito, si Pagulayan ay nalaglag sa loser’s bracket at kailangang mapangunahan ang bracket para magkaroon pa ng tsansang mapalaban sa titulo sa ikatlong edisyon ng torneo.
Ang iba pang pinalad na makaabante sa Last 16 ay sina Ralf Souquet ng Germany nang talunin si Rob Saez, 8-3; si Jeremy Sossei ay nanalo naman kay Shaun Wlkie, 8-2; Corey Deuel kay Stan Tourangeau, 8-5; at Jonathan Pinegar kay Jeff Carter, 8-3.
Kasama naman sa mga may pangalan na nalaglag na sa loser’s side at kumakampanya pa ay sina Parica, Johnny Archer, Max Eberle, Mike Dechaine, Rodney Morris, Jeremy Jones, Thorsten Hohmann at Mika Immonen.
Hahangarin nina Reyes at Pagulayan na mapanatili sa Pilipinas ang titulo sa kompetisyon.
Si Lee Van Corteza ang siyang nanalo sa nagdaang edisyon nang talunin si Hi-Wen Lo ng China, 13-12.
- Latest
- Trending