MANILA, Philippines - Naghatid ng 18 puntos si John Villarosa habang 11 naman ang ibinigay ni Nico Estrella para gabayan ang Quezon City sa kanilang ikalimang panalo sa pamamagitan ng 73-66 tagumpay sa Marikina sa pagpapatuloy ng second round ng Inter-City phase ng 2nd Coca-Cola Hoopla NCR Championship nitong Martes.
Dahil dito ay solo na ngayon ang Quezon City sa unahan sa hangaring maging kinatawan ng East sa Inter-Zonal na siyang magdedesisyon kung sino ang lalabas na NCR champion at magbubulsa ng P250,000 unang gantimpala.
Natalo naman ang mga dating walang dungis na Mandaluyong, Pasay at Antipolo sa iba pang laro.
Sina Angelo Galinato at Vincent Huit ay mayroong 19 at 18 puntos para sa San Juan na nalusutan ang Mandaluyong, 77-75 habang may 24 puntos naman si Alvin Olegario para pangunahan ang 77-75 tagumpay ng Binangonan sa Antipolo.
May 95-93 dikit na panalo rin ang Las Piñas sa Pasay upang lasapin ng mga natalong koponan ang unang kabiguan matapos ang apat na sunod na panalo.
Sa iba pang resulta, nanalo ang Pasig sa Pateros, 106-38 at nalusutan ng Malabon ang Caloocan, 85-77 sa overtime.