Pacquiao nais pagawan ni Puentevella ng rebulto
MANILA, Philippines - Kung ang tulad ni Oscar De La Hoya na natalo kay Manny Pacquiao ay may istatwa sa kanilang lugar, mas nararapat na gawan na rin ng ganito ang Pambansang kamao upang kilalanin ang ginagawang kadakilaan kung larangan ng boxing ang pag-uusapan.
Sa pagbisita kahapon ni POC chairman Monico Puentevella sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue, umapela siya sa pamahalaan na magpatayo na ng istatwa ni Pacquiao sa bansa lalo nga’t naniniwala siyang wala ng boksingero o kahit na sino pang atleta ng bansa na makakapantay sa nagawa ng Pambansang kamao.
“He’s the symbol of excellence for every Filipino. So, it’s time for us to build a statue honoring Manny Pacquiao,” wika ni Puentevella.
Walang problema ang pamahalaan kung lugar ng pagpapatayuan ang pag-uusapan dahil malaki pa ang puwesto sa Luneta Park bukod pa sa Cultural Center of the Philippines at Rizal Memorial Sports Center.
Kung hindi kikilos ang pamahalaan, puwedeng ilapit ang panukala ni Puentevella sa pribadong sektor tulad ng mga kaibigang sina George Araneta ng Araneta Coliseum, Don Jaime Zobel De Ayala ng Ayala Lands at Manny V. Pangilinan.
Maliban kay De La Hoya na may istatwa sa Staples Center, ang iba pang tiningalang atleta na ginawan ng rebulto ay ang boxer na si Joe Louis sa Las Vegas, basketbolistang Michael Jordan sa Chicago at ang binuhay ng artistang Sylvester Stallone na si Rocky Balboa sa Philadelphia.
“Everywhere I go, and once I mention that I’m from the Philippines, the name Pacquiao always comes next. Never could I have imagined it would happen to the Philippines, to have someone like Pacquiao. And I’m glad to witness all these,” dagdag pa ni Puentevella.
Umaasa na makikita ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang layunin ng kanyang panukala at kumilos ng positibo ang mga ito.
- Latest
- Trending