QC, Mandaluyong may 4-0 record
MANILA, Philippines - Matapos ang apat na laro ay hindi pa rin nakakatikim ng kabiguan ang Mandaluyong, Quezon City at Antipolo sa Intra-City phase ng 2nd Coca-Cola Hoopla NCR Championships nitong Linggo.
May 28 puntos si Rafael Rebugio habang 19 naman ang ibinigay ni Lenmark Cerbito para sa Mandaluyong na dinomina ang Makati, 92-83.
Ang Quezon City na suportado ni QC Vice Mayor Joy Belmonte, ay nangibabaw naman sa Pateros, 117-67, mula sa 23 puntos ni Alvin De Leon, habang ang Antipolo ay humugot ng 25 puntos ni Michael Dizon upang malusutan ang Cainta, 81-78.
Sa iba pang resulta ng laro, humugot ng 35 puntos si Vincent Huit para gabayan ang San Juan sa 96-94 panalo sa overtime sa Manila; si Arjhay Napenas ay mayroong 20 puntos para bigyan ang Caloocan ng 98-80 panalo sa Navotas; ang Valenzuela na hawak ng dating PBA star Gerry Esplana ay nanalo sa Malabon, 81-76, habang ang Pasig na pumangalawa noong nakaraang taon ay nanalo sa Marikina, 104-79, sa 16 puntos ni Allen Buenviaje.
Ang Taytay ay lumusot sa Binangonan, 73-72; ang Taguig ay nanalo sa overtime sa Las Piñas, 93-92; at ang Pasay ay inilampaso ang Parañaque, 77-61.
Magpapatuloy ang aksyon ngayon sa pagkikita ng Pateros at Pasig sa alas-5 ng hapon sa Rizal High sa Pasig; Marikina at Quezon City sa alas-7 ng gabi sa Parang Covered Court sa Marikina; ang Malabon at Caloocan sa alas-5 ng hapon sa Brgy. Dorotea sa Caloocan; Navotas at Valenzuela sa alas-6 ng gabi.
- Latest
- Trending