Shakey's V-League crown pipiliting kunin ng Lady Eagles kontra Lady Falcons sa Game 2
MANILA, Philippines - Sungkitin ang kauna-unahang titulo sa Shakey’s V-League ang nakataya sa Ateneo sa pagbangga uli sa Adamson sa Game Two ng 8th season first conference sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay itinakda ngayong alas-4 ng hapon at ang Lady Eagles ay sasandal sa kinuhang 23-25, 25-18, 25-20, 25-20 panalo sa Lady Falcons sa Game One nitong Linggo.
“Hindi pa tapos dahil may Game Two pa. Gagawa pa kami ng minor adjustments lalo na sa aming receptions,” wika ni rookie Ateneo coach Charo Soriano.
Kung papalarin, mawawakasan rin ng Ateneo ang mahabang taon na kawalan ng titulo sa women’s volleyball.
Huling nanalo ang Lady Eagles sa women’s volleyball noon pang 1976-77 sa NCAA.
Sina Thai import Kesinee Lithawat, Allysa Valdez at Fille Cainglet na gumawa nang husto sa Game One ang sasandalan uli para mawalis ang Lady Falcons.
Si Lithawat ay mayroong 24 hits mula sa 16 kills at 7 blocks, habang 20 at 17 attack points naman ang ginawa nina Cainglet at Valdez.
Isa pang mahalagang player na dapat pa rin kuminang ay ang setter na si Jamenea Ferrer na siyang nagpatakbo sa opensa ng koponan at nanguna sa mga quick net plays na hindi napaghandaan ng Lady Falcons.
Hindi naman basta-basta magpapatalo ang Adamson na planong makuha ang ikalawang sunod na kampeonato sa ligang suportado rin ng Accel at Mikasa.
“Hindi naman ako nawawalan ng pag-asa at naniniwala pa ring mananalo kami sa series na ito,” wika ni coach Dulce Pante.
Sa mga kamay nina two-time MVP Nerissa Bautista, Angela Benting at Pau Soriano aasa ang Lady Falcons na dapat ring bawasan ang mga reception at blocking errors na nakita sa Game One.
Ngunit makakatulong sa kampanya ng koponan na maitabla ang serye at maihirit ang deciding Game Three kung mababawasan nila ang reception at blocking errors.
- Latest
- Trending