Guevarra, Espiritu kasali sa Slam Dunk sa All-Star
MANILA, Philippines - Dalawang dating collegiate slam dunk champions ang sasali sa 2011 PBA All-Star slam dunk contest na inaasahang aagaw ng pansin sa pagkawala ni four-time champion KG Canaleta ng Derby Ace sa Boracay Island.
Itatampok sa naturang slamfest sina Rey Guevarra ng San Miguel at Elmer Espiritu ng Alaska na kapwa tinanghal na slam dunk kings sa NCAA at UAAP.
Nasa kompetisyon rin ang mga dating kampeong sina Gabe Norwood ng Rain or Shine at Kelly Williams ng Talk ‘N Text.
Sina JC Intal at Ronald Tubid ng Barangay Ginebra at 6-foot-7 Jay Washington ng San Miguel ang bubuo sa mga partisipante sa nasabing annual summer spectacle na itinatagiuyod ng Coca-Cola, Meralco, Alta Vista Boracay, Talk N’ Text, Puma at Maynilad.
Ang slam dunk competition ay susundan ng PBA Blitz Game (Rookies vs Sophomores) na nakatakda sa Biyernes sa Boracay Convention Center.
Sa Linggo naman pakakawalan ang inaabangang 2011 PBA All-Star Game.
Inaasahang gagawa ng eksena ang 6’2 na si Guevarra at ang 6’3 na si Espiritu, nagkampeon sa NCAA at UAAP slam dunk competitions para sa Letran College at University of the East, ayon sa pagkakasunod.
Inangkin naman ng 6’5 na si Norwood ang titulo sa kanyang rookie year noong 2009 na nagpakita rin kay Canaleta.
Hindi naman naidepensa ni Williams, naghari noong 2008, ang kanyang korona dahil sa kanyang blood disorder.
Nasa iskedyul rin ng All-Stars ang Three-Point Shootout at ang Obstacle Course.
Idedepensa ni Mark Macapagal ng Powerade ang kanyang three-point shooting title, habang itataya ni Jonas Villanueva ng Derby Ace ang kanyang obstacle course title.
- Latest
- Trending