Pacquiao highest paid athlete
MANILA, Philippines - Bukod sa pagiging kauna-unahang boksingero na nanalo ng walong titulo sa magkakaibang dibisyon, maipagyayabang na rin ni Manny Pacquiao ang sarili bilang number one sa kinita ng isang atleta sa mundo.
Base sa inilabas ng ESPN Magazine nitong Mayo 2 hinggil sa talaan ng 30 atleta na may pinakamalaking kinita sa taong 2010, si Pacquiao ay kumita ng $32 milyon sa dalawang laban kontra kina Joshua Clottey at Antonio Margarito.
Nakasama ni Pacquiao si Major League Baseball player Alex Rodriguez na tumabo rin ng $32 milyon noong nakaraang taon pero kahit hindi opisyal na inilimbag, ang Pambansang kamao ang lalabas na atletang tumanggap ng pinakamalaking kita sa mundo ng palakasan.
Ang nasabing halaga na naibulsa ni Pacquiao ay tumutukoy lamang sa guaranteed purse nito at wala pa ang kita sa Pay Per Views sa dalawang laban na ginawa sa Cowboy’s Stadium sa Texas.
Ang PPV ni Pacquiao`at Margarito para sa bakanteng WBC light middleweight ay umabot sa 1.15 milyon buys habang nasa 700,000 ang PPV sa laban nila ni Clottey para sa unang pagdepensa ni Pacman sa WBO welterweight title.
Isa pang tutukoy kay Pacquiao bilang highest paid athlete ng 2010 ay ang katotohanang sa dalawang laban lamang niya naiuwi ang $32 milyong halaga habang ang kabuuang halaga na nakuha ni Rodriguez, ay mula sa kanyang suweldo sa isang baseball season na bumilang ng 162 games.
Nasa ikatlo sa listahan si auto racing champion Kimi Raikkonen na tumabo ng $26,333,333 mula sa napanalunang premyo at $12.7 milyong kontrata sa F1.
Si Los Angeles Lakers star Kobe Bryant ang sumunod sa talaan sa $24,800,000 mula sa kanyang sahod habang ang nasa ikalimang puwesto ay si Cristiano Ronaldo, ang football player ng Portugal, na tumanggap ng $19,500,000 sahod.
Ang iba pang manlalaro na kumita ng mahigit na $10 milyon ay sina horse jockey Ramon Dominguez, $17,411,880; NFL player Peyton Manning, $15,800,000; tennis star Rafael Nadal, $10,171,998; hockey player Vincent Lecavalier, $10,000,000; at NHL player Roberto Luongo, $10,000,000.
Nanguna naman sa hanay ng mga kababaihang atleta ay si tennis star Kim Clijsters na nanalo ng $5,035,060. Ang kinitang ito ng 27-anyos tubong Belguim na number two women’s player sa mundo, ang pinakamalaki sa huling tatlong taon at kinatampukan ito ng limang singles titles.
- Latest
- Trending