MANILA, Philippines - Kumpiyansa ang Philippine Sports Commission (PSC) na magiging handa ang maalamat nang Rizal Memorial Stadium sa Vito Cruz para sa two-leg qualifying match ng Philippine Azkals at Sri Lanka Red Braves para sa 2014 FIFA World Cup Qualifiers.
Kasalukuyan nang pinapalago ng PSC ang mga damo sa naturang football field bukod pa ang pagpapaayos sa mga upuan at pagpapapinta sa mga bleachers.
Nakausap na ni PSC Commissioner Chito Loyzaga sina Philippine Football Federation (PFF) president Mariano “Nonong” Araneta at German head coach Michael Weiss kaugnay sa katayuan ng Rizal Memorial Stadium.
“Nakita na niya ‘yung playing field natin sa Rizal Memorial Stadium at natutuwa siya at nagagandahan rin naman siya (Weiss) pati na ang presidente ng PFF na si Nonong Araneta,” sabi ni Loyzaga.
Maliban sa Rizal Memorial Stadium, ikinunsidera rin ng PFF ang Panaad Stadium sa Bacolod City bilang venue ng qualifying match ng Azkals at Red Braves.
Ang away game ng Azkals at Red Braves ay gagawin sa Colombo, Sri Lanka sa Hunyo 29 bago idaos sa Rizal Memorial Stadium ang home match sa Hulyo 3.
Ang mananalo sa laban ng Azkals at Red Braves ang haharap sa Kuwait sa second round ng qualifying stage para sa 2014 FIFA World Cup Qualifiers. (