MANILA, Philippines - Inangkin ng nagdedepensang si Mika Immonen ng Finland ang unang tiket sa round-of-64, habang patuloy naman ang ratsada ng mga beteranong sina Ronato Alcano at Dennis Orcollo sa ikalawang araw 2011 WPA World Ten Ball Championship kahapon sa World Trade Center.
Tinalo ni Alcano si Toh Lian Han ng Singapore, 9-6, samantalang binigo naman ni Orcollo si Max Eberle ng United States, 9-2, upang umabante sa round-of-64.
“Malaking relief na nakapasok na ako sa round-of-64 kasi doon mo na talaga ilalabas lahat ng nalalaman mo eh,” sabi ng 39-anyos na si Alcano na sasagupa naman kay Karlo Dalmatin ng Croatia na tumalo kay Han Hao Xiang ng China, 9-5.
Nagposte naman si Orcollo ng malaking 8-0 lamang bago nakasingit si Eberle sa sumunod na dalawang racks.
Makakatapat ni Orcollo, ang gold medalist sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China, si Chinese Wu Jiaqing na nagpayukod naman sa 17-anyos na si Jonas Magpantay, 3-9, sa round-of-64.
Si Immonen, napatalsik sa round-of-32 ng nakaraang Philippine Open Pool Championship, ang kauna-unahang nagbulsa ng tiket sa money round nang talunin si Filipino bet Ruben Cuna, 9-3, sa panig ng mga banyaga.
Ang defending champion ay sinundan naman nina dating world champion Thomas Engert ng Germany at double world champion Wu Jia Qing ng China na nagposte ng 9-6 panalo kay Francis Diaz-Pizzaro ng Spain at 9-4 tagumpay kay Magpantay, ayon sa pagkakasunod.
Makakaharap ni Immonen si Stephan Cohen ng France na nagpayukod kay Alok Kumar ng India, 9-4, habang makakatipan ni Engert, dating World Straight Ball at World 9-Ball titlists, si Artem Koschovy ng Ukraine, gumiba kay Filipino pride Antonio Lining, 9-5.
Sasagupain naman ni Wu si Orcollo.