MANILA, Philippines - Ang paglalaro para sa kampeonato ng 22nd Fiba Asia Champions Cup ang inaasahan ni Serbian coach Rajko Toroman para sa Smart-Gilas Pilipinas.
“Our goal is to play in the finals. We have to do that with a lot of games, a lot of practices. It’s time to show that we can be competitive in the FIBA-Asia Champions’ Cup,” wika kahapon ni Toroman.
Para magawa ito, hinugot ng Nationals sina PBA veterans Asi Taulava ng Meralco Bolts at Dondon Hontiveros ng Air21 Express.
Nakatakda ang naturang 10-nation tournament sa Mayo 27 hanggang Hunyo 5 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kasama ng Smart-Gilas sa Group A ang Korea, Malaysia, Jordan at India, habang nasa Group B naman ang Iran, Syria, Qatar, Lebanon at United Arab Emirates
“Dondon is an extremely good player, he’s working on both sides of the court,” ani Toroman kay Hontiveros. “He picked up the system, I think he’s the piece of the puzzle that we missed. He will be the guy who can do a lot of good job for us.”
Umaasa rin si Toroman na makakapaglaro para sa Smart-Gilas sina Jimmy Alapag at Kelly Williams na naging sandata ng Talk ‘N Text sa paghahari sa nakaraang 2011 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Bago sumabak sa torneo, natalo muna ang Nationals sa Ginebra Gin Kings, 3-1, sa kanilang best-of-five semifinals series ng PBA Commissioner’s Cup.
Gagamitin ng Smart Gilas ang Fiba Asia Champion’s Cup bilang paghahanda sa 2011 FIBA-Asia Championship sa Wuhan, China sa Setyembre.
Bukod sa nasabing dalawang torneo, sasabak rin ang Nationals sa Southeast Asian Basketball Association Champions Cup sa Jakarta sa Hunyo 23-25 at sa isang Portugal tourney sa Lisbon sa Hulyo 21-28.