Pinoy bets nanalasa agad sa WTBC
MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, ang mga beteranong sina Ronnie Alcano, Dennis Orcollo at Antonio Lining ang nagdala sa watawat ng bansa sa paghataw ng 2011 World 10-Ball Championship kahapon sa World Trade Center sa Pasay City.
Giniba ni Alcano, ang 8-ball at 9-ball champion, si Khaled Al Mutairi ng Kuwait, 9-5, samantalang tinalo ni Orcollo si Carlos Cabello ng Spain, 9-3, at pinayukod ni Lining si Karol Skowerski ng Poland, 9-2.
Ang panalo ng 39-anyos na si Alcano kay Toh Lian Han ng Singapore, nagpayukod kay Ak Md Saiful Azri ng Brunei, 9-8, ang mag-aakay sa kanya sa money round ng nasabing six-day event na may nakalatag na $250,000 premyo.
Makakatapat naman ni Orcollo, ang kasalukuyang world 8-ball king at gold medal winner sa 2010 Guangzhou Asian Games, si American Max Eberle na tumalo kay Harald Stolka ng Germany, 9-5.
Lalabanan ni Lining, ang world No. 1 ngayon base sa WPA rankings, si Artem Koschovy ng Ukraine na naglista ng isang 9-7 tagumpay kontra kay Omar Al-Shaheen ng Kuwait.
Nagposte rin ng kani-kanilang panalo sina Demosthenes Pulpul, Ruben Cuna, Venancio Tanio at teen sensation Jonas Magpantay.
Iginupo ni Pulpul si Manuel Pereira ng Portugal, 9-4, habang ginitla ni Ruben Cuna ang beteranong si Ramil Gallego, 9-4, kinaldag ni Tanio ai Abdulatif Fawal ng Qatar, 9-8, at ginulat ng 17-anyos na si Magpantay si Mohanna Al-Obaidly ng Qatar, 9-3.
Umiskor naman si Mika Immonen ng Finland ng isang 9-4 panalo laban kay Chen Man Lee, at binigo ni Thorsten Hohman si Victor Arpilleda, 9-5.
Samantala, hangad naman ng 15-anyos na si Ko Pin Chung, nakababatang kapatid ni two-time world junior champion Ko Pin Yi ng Chinese Taipei, ang maging pinakabatang kalahok sa World Ten Ball Championship. At nangangarap rin siyang maging unang world champion.
Si Chung, kasama si Jonas Magpantay, ay ilan lamang sa young turks na naglalaro sa torneo na tampok rin si Wu Chia-Ching, umangkin sa World Pool Championship sa edad na 16-anyos noong 2005.
- Latest
- Trending