MANILA, Philippines - Hangad ni Kevin Alas na mapangunahan ang paghahabol ng Letran sa NCAA title sa pagsisimula ng liga sa kalagitnaan ng taong ito.
Mataas ang ekspektasyon sa batang si Alas matapos ang magandang inilalaro sa PBA D-League Foundation Cup suot ang uniporme ng Cebuana Lhuillier.
Si Alas ay naghahatid ng 14 puntos, 3 rebounds, 3 steals sa apat na laro dahilan ang Gems ay kasalo sa apat na koponang nangunguna sa Group B sa liga sa 3-1 karta.
Isa sa natutuwa sa inilalaro ni Alas ay ang kanyang ama at coach sa Knights na si Louie Alas.
“Determinado ang bata. Gusto niya talagang humusay sa paglalaro ng basketball at masaya ako sa ipinakikita niya dahil talagang pursigidong matuto,” pahayag ng nakakatandang Alas.
Aminado naman si Kevin na marami siyang natututunan habang naglalaro sa D-League na kinatatampukan ng 13 koponan at binubuo ng mga manlalarong pambato sa college leagues bukod pa ng mga ex-pros na nais na makabalik sa PBA.
“Marami akong natutunan sa D-League at alam kong lahat ng ito ay magagamit ko kapag nagsimula na ang NCAA,” wika nga ni Alas na isang third year student na kumumuha ng Information Technology.
Kung mayroon pang isang bagay na nais pang pag-ibayuhin ni Alas, ito’y ang nakapaglaro ng mas matinding depensa dahil isa ito sa magiging susi kung nais niyang bigyan ng titulo ang Letran laban sa mga bigating NCAA teams tulad ng nagdedepensang San Beda, San Sebastian at Jose Rizal University.