Mosley tatagal kaya kay Pacquiao?

LAS VEGAS - Muli, matutunghayan ng buong mundo ang husay ni Manny Pacquiao sa kanyang pagdedepensa ng suot na World Boxing Organization welterweight crown laban kay American Shane Mosley ngayon sa MGM Grand.

Lahat ng 17,000 tickets ay nabili na at kapag tumunog na ang opening bell, milyun-milyong boxing fans ang inaasahang tutunghay sa banggaan nina Pacquiao at Mosley.

Si Pacquiao ay isang ‘overwhelming favorite’ sa kanilang scheduled 12-rounder ni Mosley.

Halos karamihan ay umaasa ng isang knockout win para sa reigning pound-for-pound champion na hindi pa nakakaiskor ng isang stoppage matapos ang kanilang laban ni Miguel Cotto noong Nobyembre ng 2009.

Si Mosley, ang unang African-Ame­rican na makakalaban ni Pacquiao, ay may patutunayan sa kanyang mga kritiko na sa edad niyang 39-anyos ay maaari pa rin siyang manalo at maging isang world champion.

Sakaling manalo si Mosley, siya ang magiging pinakamatandang boksingero na nanalo ng isang world title.

Si Mosley ay isang three-division champion matapos maghari sa lightweight, welterweight at super-welterweight.

Kung mangyayari ito, nakasaad sa fight contract na isang rematch ang dapat maitak­da matapos ang anim na buwan.

Sinabi ni promoter Bob Arum na susunod na lalaban ni Pacquiao sa Nobyembre 12, dito rin sa Las Vegas.

Ang 32-anyos na si Pacquiao ay kikita ng guaranteed purse na $20 milyon bukod pa ang $10 milyon mula sa pay-per-view para sa halos P3 bilyon niyang matatanggap. Makakakuha naman si Mosley ng guaranteed purse na $5 milyon.

“He’s not that old. He’s thirty-nine but he fights like he’s thirty-one or thirty-two. And he’s bigger than me. He still has the speed. He is a very good fighter,” sabi ni Pacquiao sa pambato ng California na isang 5-foot-9 at may 74 inches na wingspan.

Ang eight-division king namang si Pacquiao ay nagkampeon sa flyweight, super-bantamweight, fea­ther­weight, super-featherweight, lightweight, junior-welterweight at super-welterweight classes.

Wala pang boksingerong naghari sa walong magkakaibang weight classes kundi ang 5’7 lamang na si Pacquiao, may 67 inches na wingspan.

“But size does not matter,” wika ni Pacquiao.

Kabilang sa mga mas malalaking boksingerong tinalo na ni Pacquiao ay sina Oscar dela Hoya, , Cotto, Joshua Clottey at Antonio Margarito.

 “I am just so excited to be in this fight. The whole world is watching. It should be great,” ani Mosley matapos ang official weigh-in sa MGM Grand Arena.

Tumimbang si Pacquiao ng 145 lbs at 147 lbs naman si Mosley.

Show comments