Manila, Philippines - Hindi pa rin nawawala ang husay ng 2006 Doha Asian Games gold medalist Antonio Gabica kung paglalaro ng pool ang pag-uusapan.
Pinawi ni Gabica ang tinamong kabiguan sa qualifier 1 nang mangibabaw sa 17-anyos na kababayan Hushley Jusayan, 9-4, sa qualifier 5 ng 2011 World Ten Ball Championship na ginanap nitong Huwebes ng gabi sa Star Billiards Center.
Ikalawang pagkakataon na napasok si Gabica sa finals pero naibaon na niya sa limot ang kabiguang tinamo sa kababayan ding si Allan Cuartero na siyang unang Pinoy na lumusot sa Stage 2.
Nakitaan man ng husay ng paglalaro si Jusayan, hindi naman umubra ito sa karanasang taglay ni Gabica na isa sa apat na atleta na bansa na nakapag-uwi ng gintong medalya sa Doha Asiad.
Kinailangang dumaan sa qualifying round si Gabica dahil hindi na ito gaanong aktibo sa paglalaro matapos makakuha ng trabaho sa Qatar.
“Nagmamadali ako nang kinalaro ko si Cuartero kaya ngayon ay mas naging maingat ako at mas nagpakita ng pasensya at diskarte sa laro. Marami pang dapat na gawin sa laro ko dahil hindi ako nakakasali masyado dahil may trabaho ako sa Qatar at doon na nakabase,” wika ni Gabica.
Minalas naman uli si Jonas Magpantay nang mabigo kay Lu Hui Chan ng Chinese Taipei, 9-8, sa qualifier 6.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na nabigo si Magpantay na makapasok sa tournament proper dahil sa isang Taiwanese player.
Si Yang Ching Shun ang unang Chinese Taipei cue-artist na nanalo kay Magpantay na nangyari nitong Miyerkules sa 9-2 iskor.
Humabol nga ang 17-anyos na si Magpantay buhat sa 5-8 iskor at itinabla ang laro matapos ang 16th rack. Nagkaroon siya ng pagkakataon na manalo sa 17th at huling game pero hindi niya makuhang ipasok ang mahalagang 9-ball.
May malinaw na tira nga si Magpantay sa 9-ball pero naisablay niya ito at ang pagkakamaling ito ay hindi na pinakawalan pa ni Lu.
Apat na puwesto na lamang ang paglalabanan sa huling dalawang araw ng qualifying event na ito dahil sa Mayo 10 hanggang 15 ay lalarga na ang aksyon sa main draw na katatampukan ng 128 manlalaro mula sa 44 bansa.