Ginebra tatapusin na ng Talk N Text

MANILA, Philippines - Nasa panig ng Tropang Texters ang istatisko para ma­kuha ang 2011 PBA Commissioner’s Cup, samantalang nakagawa na ng kasaysayan ang Gin Kings upang makabalik mula sa isang 1-3 pagkakabaon sa isang championship series.

Sa matayog nilang 3-1 abante sa kanilang best-of-seven titular showdown ng Barangay Ginebra, ang panalo ng Talk ‘N Text sa Game Five ngayong gabi sa Araneta Coliseum ang magbibigay sa kanila ng back-to-back championship trophy matapos pag­harian ang nakaraang PBA Philippine Cup.

“We need to get four wins,” sambit ni coach Chot Reyes sa kanyang Tropang Texters matapos kunin ang 91-84 tagumpay sa Game Four noong Miyerkules matapos bumangon mula sa isang 17-point deficit sa third quarter para sa kani­lang 3-1 bentahe kontra Gin Kings. “We must still find a way to come back and play our best game in the series on Friday.

Ang panalo ng Talk ‘N Text ngayong alas-7 ng gabi ang tuluyan nang magbibigay sa kanila ng 2011 PBA Commissioner’s Cup at ang kanilang pang limang tropeo kung isasama ang mini-tournament na 1998 PBA Centennial Cup.

“Ginebra in a do-or-die situation is always a dangerous opponent. So we’ve got to be at our best,” babala ni Reyes, hangad ang kanyang pang pitong titulo bilang coach.

 Sa 27 pagkakataon na nakuha ng isang koponan ang malaking 3-1 lamang sa isang serye, 26 rito ang nagtuluy-tuloy sa pag-angkin sa kampeonato. At sa nakalipas namang limang PBA Finals, ang koponang nabigo sa Game Three ang laging nagkakampeon sa serye.

Tanging ang Ginebra ang koponang nakabawi mula sa isang 1-3 pagka­kabaon matapos resbakan ang Shell, 4-3, para angkinin ang 1991 First Conference.

“It doesn’t mean that we’ll come out on Friday without heart,” sabi ni mentor Jong Uichico sa kanyang Gin Kings. “We’ve got to come in every game and try to win.”

Hangad ng Talk ‘N Text na maging unang tropang nagwagi sa dalawang su­nod na torneo matapos ang Ginebra, dating hawak ni Siot Tanquingcen, noong 2004 Fiesta Conference at 2004-05 Philippine Cup.

Si Tanquingcen ay assistant ngayon ni Uichico.

Show comments