MANILA, Philippines - Lumabas ang pagkabeterano ng Adamson at Ateneo upang mangibabaw sa gutom pero kulang pa sa karanasan na mga katunggali sa pagbubukas kahapon ng 8th Shakey’s V-League First Conference semifinals sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib sa 29 kills sina Nerissa Bautista at Angela Benting para katampukan ang dominasyon ng Lady Falcons sa University of St. La Salle Bacolod tungo sa 25-19, 25-23, 25-22, panalo sa larong tumagal lamang ng 69 minuto.
Ang inasahang paglakas ng Lady Stingers dala ng pagkakuha kay Aiza Maizo ng UST ay hindi nakita dahil hindi gamay ni Maizo ang laro ng bagong koponan at tumapos lamang siya taglay ang anim na puntos.
“Alam naming hindi pa nila alam ang laro ng bawat isa kaya madali namin silang nadepensahan,” wika ni coach Dulce Pante na nais ibigay sa Lady Falcons ang ikalawang sunod na titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Nakasalo naman ang Ateneo sa Adamson sa 1-0 karta nang dominahin ang National University, 25-27, 25-14, 25-19, 25-19.
Inalis ni Alyssa Valdez ang anumang kumpiyansang nakuha ng Lady Bulldogs dulot ng pagkapanalo sa first set nang magpakawala ng mga matitinding spikes para ilapit ang Lady Eagles sa isang panalo tungo sa pagtungtong sa Finals sa ligang suportado rin ng Accel at Mikasa.
Tumapos si Valdez taglay ang 25 hits kasama ang 21 kills habang tig-14 naman ang ibinigay nina Thai import Kesinee Lithawat at Fille Cainglet para sa matatag na paglalaro ng Ateneo.