Pharex, Max Bond Super Glue aasinta ng 3rd win
MANILA, Philippines - Ikatlong panalo ang hahangarin ngayon ng Pharex at Max Bond Super Glue sa pagharap nila sa magkahiwalay na kalaban sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup sa Marikina Sports Complex.
Wakasan ang dalawang dikit na kabiguan matapos simulan ang kampanya sa Group A tangan ang magkasunod na panalo ang isa pang magpapainit sa Pharex sa pagharap sa RnW Pacific Pipes.
Sa ganap na alas-2 ng hapon itinakda ang sagupaan at susunod dito ang bakbakan sa pagitan ng Sumos at Junior Powerade dakong alas-4 ng hapon.
Sakaling manalo ang Pharex ay aangat sila upang saluhan ang PC Gilmore sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa standings.
Ang Pacific Pipes ay nasa losing streak din nang matalo ito sa huling apat na laro matapos mangibabaw sa PC Gilmore sa unang asignatura kaya’t makakatiyak na pupukpok din ang koponan upang mabigyan ang sarili ng magandang pagtatapos sa kampanya sa eliminasyon.
Palawigin naman sa tatlo ang pagpapanalo ang hanap ng Sumos sa Junior Powerade na nais na kunin ang ikalawang tagumpay sa limang laro.
Sinasabi ngayong title contender ang tropa ni coach Alfredo Jarencio matapos pataubin sa huling laro ang Cobra Energy Drink, 77-75, noong Abril 14.
Hindi naman minamaliit ni Jarencio ang husay ng Tigers na nangangapa pa sa porma sa 1-3 karta.
“Mahusay ang team na iyan pati ang coach kaya sinasabi ko sa mga players ko na kahit sinong team ay may tsansang manalo kaya dapat hindi nawawala ang focus sa laro,” wika ni Jarencio.
Ang mga beteranong sina Jun Jun Cabatu, Reil Cervantes at Rudy Lingganay ay makikipagtulungan uli sa mga batang manlalaro ng UST sa pangunguna ni Jeric Teng para itulak ang Sumos sa liderato sa Group B kasalo ang pahingang Ironmen at Cebuana Lhuillier sa 3-1 baraha.
Kasalukuyang bumabandera sa Group A ang NLEX na mayroong 4-1 win loss karta kasunod ang Black Water (3-2), PC Gilmore (3-2), Pharex (2-2), Freego Jeans (1-3) at RnW Pacific Pipes (4-1).
Sa Group magkasalo naman sa liderato ang Cobra Energy Drink at Cebuana Lhuillier na kapwa taglay ang 3-1 win-loss record kasunod ang Max Bond Super Glue (2-1), FCA (2-1), Maynilad (3-3), Junior Powerade (1-3) at Cafe France (0-4).
- Latest
- Trending