Pagulayan kampeon sa California One Pocket Challenge
MANILA, Philippines - Ibinandera uli ni Alex Pagulayan ang bandila ng Pilipinas sa US nang manalo siya sa California One Pocket Challenge na idinaos sa California Billiard Club sa Mountain View.
Ang kompetisyon ay ginanap noong Abril 27 hanggang 29 at si Pagulayan ay hindi natalo sa kabuuan ng torneo.
Kasama sa unang pinataob ni Pagulayan ay si Brandon Shuff, 3-1, para marating ang hot seat sa winner’s group.
Si Scott Frost na kampeon ng Casper Classic One Pocket Championship ang siyang nagdomina sa one-loss bracket at kinalaban si Pagulayan.
Bagamat mas mahusay sa larong ito, hindi naman nakaporma si Frost nang kunin ng Filipino pool ace ang 3-0 tagumpay at maibulsa ang $3,000 unang gantimpala.
Nakontento naman si Frost sa $1,500 premyo habang si Shuff ay mayroong $1,000 pabuya.
Ang panalong ito ni Pagulayan ay kanyang ikaapat sa 13 kompetisyong sinalihan at nag-akyat na sa kanyang kinita sa taong 2011 sa $30,460.
Ang iba pang titulo ni Pagulayan ay Derby Classic Banks Division, Jay Swanson Memorial at US Bar Table Championships men’s 10-ball division.
- Latest
- Trending