MANILA, Philippines - Nananatiling walang malaking titulo si Roberto “Pinoy Superman” Gomez nang matalo siya kay Chang Jung-lin ng Chinese Taipei, 11-10, sa finals ng 2011 World 9-Ball Beijing Open Championship na ginanap sa Yueten Stadium sa Beijing China.
Tila naubos ang suwerte ni Gomez nang nailusot ang mahihirap na laro sa quarterfinals at semifinals sa pagharap kay Chang para malagay uli sa ikalawang puwesto.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nabigo si Gomez sa World 9-Ball title at ang una ay nangyari noong 2007 nang ang kompetisyon ay ginanap sa Pilipinas.
Natalo si Gomez ng Bugsy Promotions kay Daryl Peach ng Great Britain sa mahigpitang tagisan.
Nakapasok si Gomez sa Finals nang talunin sina Wu Jiaging at Fu Che Wei na parehong manlalaro ng China sa iisang 11-9 iskor.